Tuesday, February 3, 2026

PBBM, ipinasa na sa ICI ang desisyon kung ipagpapatuloy pa ang kanilang trabaho

Ipinauubaya na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang desisyon kung ipagpapatuloy pa nito o tatapusin na ang imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro, kung magpasya ang ICI na ipagpatuloy ang imbestigasyon at mangailangan ng karagdagang miyembro o pondo, may kapangyarihan ang komisyon na magdesisyon ukol dito at handang magbigay ng suporta ang pangulo.

Kung sakali namang ituring ng ICI na tapos na ang kanilang mandato, igagalang ito ng pangulo dahil isa itong independent body at hindi niya ito pakikialaman.

Nilinaw naman ng Malacañang na hindi hihinto ang imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng flood control projects kahit matapos ang trabaho ng ICI. Ipapasa ang pagpapatuloy ng kaso sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Justice (DOJ), at Office of the Ombudsman.

Gayunman, mas mainam aniya kung direktang makipag-ugnayan ang komisyon sa Pangulo upang mapag-usapan kung ano ang nais nilang mangyari.

Facebook Comments