Inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of Agriculture (DA) sa Western Visayas na suriin ang lahat ng piggery sa rehiyon para makontrol ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF).
Ang utos ay ibinigay ng pangulo matapos iulat ng regional office sa situation briefing sa Bacolod City na mayroong mga kaso ng ASF sa Iloilo.
Ayon sa pangulo, nakalatag na ang mga hakbang para mapigilan ang pagkalat ng ASF kabilang ang pagbabawal sa mga produktong magmumula sa mga apektadong lugar.
Tinukoy ng presidente na ang pagsuri sa lahat ng breeding farms ang pinaka-epektibong paraan para makontrol ang pagkalat ng impeksyon.
Matatandaang, ang Iloilo at ang buong Western Visayas Region ay dating kabilang sa kakaunti lamang na mga lugar na nanatiling ASF-free mula nang mag-umpisa ang outbreak noong 2019.