Pormal nang ipinrisinta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang People’s Survival Fund o PSF Resolutions na nag-aapruba sa P541 million para sa climate adaptation projects ng mga benepisyaryong local government unit.
Batay sa batas na Republic Act No. 10174, ang PSF ay may initial capitalization na P1-B para pondohan ang mga programa at proyekto ng LGUs at accredited local and community organizations.
Matapos ang pag-apruba sa anim na bagong climate adaptation projects, magiging 11 na ang PSF-funded projects at anim ang proyekto para sa Project development Grants (PDG) na may kabuuang 889.6 million.
Kasama sa mga benepisyaryo ang lalawigan ng Mountain Province na tatanggap ng higit P271-M para sa pagtatayo ng Climate Field School (CFS) para sa mga magsasaka.
Ang Maramag, Bukidnon naman ay nakakuha ng higit P126-M para sa paglalagay ng drainage at early warning systems.
Kabilang din ang Borongan City, Eastern Samar, tatanggap ng halos P118-M para sa paglalagay ng embankment infrastructure at reforestation para sa flood control ng Lo-om River.
Kasama rin ang bayan ng Cabagan, Isabela na bibigyan ng higit P21-M para sa irrigation project.
Maging ang Catanauan, Quezon, ay bibigyan ng P264M para sa Mangrove rehabilitation project.
Aabot naman sa dalawang milyong piso ang tatanggapin ng bayan ng Besao, Mountain Province para sa Water Harvesting Structures Project.