Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si dating Department of Energy (DOE) Undersecretary Alexander Lopez bilang tagapagsalita ng National Maritime Council (NMC).
Si Lopez ay isang dating opisyal ng militar na nagsasalita sa ngalan ng NMC tungkol sa mga isyung nakapalibot sa West Philippine Sea (WPS).
Ang NMC ay nilikha ni Pangulong Marcos Jr. sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 57 na may layuning palakasin ang maritime security ng Pilipinas at palakihin ang maritime domain awareness ng mga Pilipino sa gitna ng mga agresibong taktika at pagbabanta ng China sa WPS.
Ang appointment kay Lopez ay lumabas noong Agosto 6.
Bago nito, si Lopez ay nagsilbi bilang DOE undersecretary mula 2018 hanggang 2022; consultant ng parehong ahensya mula 2017 hanggang 2018; at security consultant ng ABS-CBN Corp. mula 2016 hanggang 2018.
Nagsilbi rin siya bilang commander ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula 2014 hanggang 2016; at Deputy Chief of Staff for Education and Training (J8) ng AFP.