Pinagdodoble kayod ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapaigting ng kampanya kontra leptospirosis, Mpox at iba pang sakit.
Sa kaniyang mensahe sa Local Governance Summit 2024 sa Pasay City, sinabi ng pangulo na nakararanas na ang bansa ng surge sa leptospirosis at dengue dahil sa palpak na waste management at hindi tamang pagtatapon ng basura.
Dahil dito, hinimok ng pangulo ang local leaders na gumawa ng hakbang para mapigilan ang mga bata na maligo sa baha, i-practice ang tamang personal hygiene at isulong ang malusog na pamumuhay sa kanilang mga nasasakupan.
Bukod dito, nanawagan din ang pangulo sa mga Local Government Units (LGUs) na aktibong makilahok sa Kalinisan Program ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para mapahusay ang solid waste management disposal.
Isa kasi aniya sa mga dahilan ng pagkakaroon ng sakit ay ang problema sa basura lalo na sa mga urban community.