Kinokondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagkamatay ng dalawang Pilipino sa nagpapatuloy na gulo sa pagitan ng Israel at Palestinian militant group na Hamas.
Binigyang diin ng pangulo na ang gobyerno ng Pilipinas ay hindi pabor sa pagkakaroon ng terror activities at violence.
Ayon pa sa pangulo, nanatili ang adhikain ng gobyerno ng Pilipinas na pagsulong ng pangmatagalang kapayapaan na naayon sa United Nations resolutions at International Laws.
Tiniyak naman ng pangulo na walang tigil ang suporta ng Philippine government sa Overseas Filipino Workers (OFWs) at Filipino community na apektado ng nagpapatuloy na gyera sa pagitan ng Israeli forces at Hamas.
Matatandaang una nang inutos ni Pangulong Marcos sa Department of Migrant Workers o DMW at Overseas Workers Welfare Administration o OWWA na tukuyin at alamin ang sitwasyon ng mga OFW at kanilang pamilya sa Israel.
Direktiba rin ng pangulo sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na nagtatrabaho para sa kapakanan ng mga OFW at Filipino community na mahigpit na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Tel Aviv sa at Migrant Workers Office sa Israel para sa masiguro ang kaligtasan ng mga ito.