Hindi pa makapagbigay ng sagot si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung bibigyan niya ng clemency si Mary Jane Veloso.
Sa ambush interview sa Nueva Ecija, sinabi ng Pangulo na ito raw kasi ang unang beses na ililipat ang physical custody ng isang preso mula sa isang bansa, kaya kailangan nilang aralin ang ilang mga proseso.
Pero sabi ni Pangulong Marcos, titignan niya ang posibilidad ng pagbibigay ng clemency kay Veloso.
Hindi lang aniya maliwanag pa sa ngayon kung ano ang ilalatag na mga kondisyon ng Indonesia.
Samantala, kinumpirma naman ni Pangulong Marcos na napababa na sa life imprisonment ang parusa ni Veloso mula sa death penalty sa Indonesia.
Ayon sa Pangulo, pagka-upo pa lamang niya sa pwesto ay tinrabaho na agad nila ang commutation of sentence ni Veloso sa ilalim pa ni dating Indonesian President Joko Widodo.
Lahat aniya ng pangayayari ay sa tulong na rin ng pagiging magkaibigan nila ni Widodo at ng bagong lider na si President Prabowo Subianto.
Ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon na ginawa ito ng Indonesia at sinabing wala naman silang interes pang patuloy na ikulong si Veloso maging ang pag-execute sa kaniya.