Kumbinsido umano si Pangulong Bongbong Marcos na dapat na maibalik sa pamahalaan ang kontrol sa operasyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ito ang sinabi ni Energy Committee Chairman Senator Raffy Tulfo matapos ang naging pulong nito sa pangulo kung saan pinayagan siyang magkasa ng imbestigasyon sa operasyon ng NGCP.
Ayon kay Tulfo, sinabi niya sa pangulo na sa mga nararanasang pagpalya ng transmission lines na dapat namimintina ng maayos ng NGCP ay nararapat na mailipat na ang system operations nito sa National Transmission Commission o TRANSCO habang sa maintenance na lang ang NGCP.
Aniya, sumang-ayon dito ang pangulo pero magagawa lamang mailipat ang system operations ng transmission corporation kung aamyendahan ng Kongreso ang 50-year franchise na iginawad sa NGCP.
Bukod dito, batid din ng Pangulo na nagtataglay ng banta sa seguridad ang kasalukuyang komposisyon ng NGCP dahil matagal na rin naabisuhan tungkol dito ang presidente.