PBBM, kumpiyansa pa rin kay Defense Sec. Teodoro sa kabila ng isyu sa foreign passport

Buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Department of National Defense (DND) Sec. Gilbert Teodoro matapos lumutang ang balitang pagmamay-ari niya noon ng isang foreign passport.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, batid ni Pangulong Marcos ang impormasyon sa pagmamay-ari noon ni Teodoro ng Maltese passport, dahil nakalagay ito sa mga record.

Alam din aniya ng Commission on Elections (COMELEC) ang impormasyon na ito nang tumakbo si Teodoro noong 2022, gayundin ng Commission on Appointments (CA), nang sumalang siya para sa kumpirmasyon.

Sabi ni Castro, ipinauubaya na nila kay Teodoro ang pagsagot sa isyu, pero kung si Pangulong Marcos aniya ang tatanungin ay pinagkakatiwalaan pa rin nito ang Kalihim para sa posisyon.

May nauna nang pahayag ang DND na isinuko na ni Teodoro ang kanyang foreign passport bago manungkulan sa ahensya at maghain ng kandidatura noong 2021.

Facebook Comments