Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kakayahan ng kaniyang mga gabinete sa pagtugon sa anumang kalamidad sa bansa.
Sa ambush interview sa Apayao, sinabi ng Pangulo na hindi na niya na kailangang magbigay pa ng special instructions sa mga ahensiya ng pamahalaan sa panahon ng kalamidad.
Ayon sa Pangulo, sa simula pa lamang ng kaniyang administrasyon ay nakapaglatag na sila ng sistema o standard operating procedure para sa mga dapat na gawin bago pa lamang tumama ang sakuna.
Halimbawa aniya rito ang mga nakahandang food and non-food items at emergency supplies sa isang rehiyon o probinsiya.
Gayundin ang mga equipment at personnel aniya na kakailanganin sa relief, search and rescue, at rehabilitation operations ay laging nakahanda rin wala pa man ang kalamidad.