Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang buong suporta sa mga ipinatutupad na inisyatiba ng Department of Education (DepEd).
Ito ang pahayag ng pangulo kasunod ng Basic Education Report kung saan inilatag ni Education Secretary at Vice President Sara Duterte ang mga hakbang para mapaganda ang sistema ng edukasyon sa bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, malinaw, komprehensibo, at diretso ang Basic Education Report kaya marapat lamang na papurihan ito.
Nailatag na aniya ni VP Sara ang mga hakbang para sa moderno at malinaw na sistema sa edukasyon na matagal nang hinintay ng mga Pilipino.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos si VP Sara dahil batid nitong mahirap ang iniatang na responsibilidad sa kanya subalit nagawa nito nang maayos at mahusay ang kanyang trabaho.