Walang kinalaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa ginagawang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa war on drugs na inilunsad ng nakaraang administrasyon.
Ito ang sinabi ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng mga umuugong na balita na nasa Pilipinas na ang mga taga-ICC at nagsisimula nang mag-imbestiga.
Sa isang pulong balitaan sa Davao, sinabi ng dating pangulo na walang kinalaman si Pangulong Marcos Jr., at matagal na raw na nanghihimasok ang ICC sa soberenya ng mga bansa.
Kaugnay sa war on drugs, sinabi ng dating pangulo na kung mayroon man siyang ginawa ay ginawa niya ito para sa bansa.
Sa ngayon, wala raw pakialam si Duterte kung nasa bansa na ang mga opisyal ng ICC para mag-imbestiga sa mga nangyaring pagpatay noon na may kaugnayan sa mga anti-drug operation.
Handa rin daw ang dating pangulo na sagutin ang ICC.