PBBM, maagang gumising ‘di tulad ng ibang lider na late sa media coverage —Palasyo

Mariing pinabulaanan ng Malacañang ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na “amoy alak” umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr,. nang tanggapin ang kanyang pagbibitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, maliwanag na walang katotohanan ang mga paratang ni VP Sara, na bahagi lamang ng propaganda upang siraan ang pangulo.

Patunay aniya rito ang araw-araw na maagang paggising ni Pangulong Marcos para sa mga event at mahahalagang pagpupulong na nagpapakitang seryoso at masigasig itong nagtatrabaho.

Hindi umano tulad ng ibang lider na tanghali na kung gumising at nagiging dahilan pa ng pagpupuyat ng media dahil kailangang maghintay nang matagal para sa coverage o kaya’y dumarating ng 4:53 PM sa SONA venue kahit 4:00 PM ang nakatakdang oras ng talumpati.

Itinuro rin ni Castro ang umano’y pattern ng pagpapakalat ng maling impormasyon ng kampo ng Duterte, kabilang na ang isyu sa pekeng Beverly Hills police report at ang viral na “polvoron video” na kalaunan ay napatunayang peke.

Malinaw aniya rito ang makasariling hangarin at motibo ni VP Sara upang pababain sa puwesto ang pangulo at siya ang pumalit.

Facebook Comments