
Aminado si Ferdinand Marcos Jr. na madalas kulang at putol-putol ang kanyang tulog simula nang maupo siya sa Malacañang.
Sa bagong episode ng kanyang podcast, natanong ng mga Gen Z ang Pangulo kung ano ang mga bagay na hindi na niya nagagawa magmula nang maging Presidente — at diretsong sinagot niya ito ng “tulog.”
Kuwento ng Pangulo, kahit tapos na ang opisyal na gawain, hindi pa rin siya makapagpahinga dahil kailangan niyang magbasa at maghanda para sa susunod na araw.
Kadalasan aniya, hatinggabi o lampas pa bago matapos ang trabaho.
Kapag nakatulog man siya, mababaw ito at mabilis siyang magising kahit sa mahinang ingay — o kahit kagat lang ng lamok.
Pagmulat ng mata, trabaho na agad ang pumapasok sa kanyang isip kaya hirap na siyang makabalik sa tulog.
Para sa Pangulo, sa gitna ng bigat ng responsibilidad, ang tulog ang “pinakamahirap nang makuha” sa kasalukuyan.









