Aasahan simula sa susunod na linggo ay mas magiging abala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa kaniyang mga biyahe sa ibang bansa.
Sa isinagawang pre-departure briefing ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Malakanyang, sinabi ni DFA Assistant Secretary Daniel Espiritu na maraming dadaluhang pulong si Pangulong Marcos sa gaganaping ASEAN summit.
Kabilang na rito ang kaniyang bilateral meeting sa host government o kay Cambodian Prime Minister Samdech Hun Sen.
Makikipagpulong din si Pangulong Marcos kay South Korean President Yoon Suk Yeol.
Sinabi ni Espiritu, key partner ng Pilipinas ang Korea sa usapin ng defense and security, tourism at iba pang relasyon at oportunidad sa pagitan ng dalawang bansa.
Kabilang naman sa inaasahang mapapag-usapan dito ay ang konklusyon ng free trade agreements sa pagitan ng Pilipinas at South Korea.
Ang ASEAN summit ay gaganapin mula November 10 hanggang November 13 Sa Phnom Penh Cambodia.