
Magpapatupad ng mga sistematikong reporma sa gobyerno si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang hindi na maulit ang mga pang-aabuso sa pondo ng bayan.
Ayon sa Pangulo, kabilang sa mga repormang ito ang paglalagay ng transparency portal na magbibigay sa publiko ng mas malawak na access sa impormasyon tungkol sa mga proyekto ng gobyerno, gaya ng listahan ng mga kontratista, lokasyon, halaga ng proyekto, at iba pang detalye upang mas mabantayan ito.
Kapag may nakita aniya sa portal na hindi tugma sa patakaran o may kahina-hinalang galaw, mabilis itong matutukoy at agad na maaksyunan.
Kasama rin sa mga reporma ang paggamit ng artificial intelligence (AI) sa pagdisenyo ng proyekto, sa bidding, at sa pagbabayad.
Sa AI system, makikita ang buong proseso ng kontrata at, kapag may nakitang mali o kahina-hinalang bahagi, awtomatiko itong ita-tag upang maimbestigahan.









