PBBM, mainam na humingi ng tulong sa US laban sa patuloy na pag-atake ng China sa mga barko ng Pilipinas sa WPS

Hinikayat ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na humingi ng tulong sa Estados Unidos para mapigilan ang pag-atake ng Chinese attacks sa mga barko ng Pilipinas na naglalayag sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Rodriguez, tapos na tayo sa paghahain ng protesta laban sa harassment at bullying ng China sa Philippine Coast Guard, mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, sa mga mangingisdang Pilipino, ating mga sundalo sa Ayungin Shoal, at mga civilian boat crew na kasali sa resupply missions.

Sinabi ito ni Rodriguez makaraang ihayag ni Pangulong Marcos na magsasagawa na tayo ng paradigm shift o pagbabago ng pagtugon sa Chinese aggression sa WPS.


Diin ni Rodriguez, mahaba ang pasensiya nating mga Pilipino pero may hangganan din kaya ngayon ay mas mainam na ikonsidera ni President Marcos ang pagkonsulta sa mga kaalyado nating bansa tulad ng Amerika.

Binanggit ni Rodriguez na maaring i-invoke ng ating pangulo ang 1951 Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at US.

Kaugnay nito ay hiniling naman ni Rodriguez sa Department of National Defense at sa ating military na huwag gumamit ng civilian boats sa pagdadala ng supplies sa ating mga sundalo sa Ayungin Shoal.

Paliwanag ni Rodriguez, yaon ay military missions na dapat isagawa ng military personnel.

Facebook Comments