PBBM, mariing kinondena ang mapanganib na insidente sa himpapawid na ginawa ng People’s Liberation Army-Air Force sa Bajo de Masinloc

Mariing kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mapanganib na insidente sa himpapawid na ginawa ng eroplano ng China sa Bajo de Masinloc noong August 8.

Sa isang pahayag, sinabi ng Presidential Communication Office (PCO), na nakikiisa si Pangulong Marcos sa mga matatapang na tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular na ang Philippine Air Force (PAF) sa pagkondena sa insidente.

Ang aksyon anila ng eroplano ng People’s Liberation Army – Air Force (PLAAF) ay hindi makatwiran, ilegal, at hindi maingat, lalo pa’t nagsasagawa lamang ng routine maritime security operation ang eroplano ng PAF sa airspace ng Pilipinas.


Dagdag ng PCO, na hindi pa nasisimulan na mapakalma ang sitwasyon sa karagatan ngayon naman ay nakakabahala na maaring magkaroon ng kawalan ng kapanatagan sa airspace ng bansa.

Naninindigan naman ang Palasyo na mananatili ang Pilipinas na nakatuon sa diplomasya at mapayapang pamamaraan ng pagresolba sa anumang alitan.

Gayunman, mahigpit din nitong hinihimok ang China na ipakitang ganap itong may kakayahan na kumilos ng responsable kapwa sa karagatan at himpapawid.

Una nang sinabi ng AFP na dalawang aircraft ng PLAAF ang nagsagawa ng mga mapanganib na pagmaniobra at nagpakawala ng mga flare sa tinatahak na direksyon ng NC-212i PAF propeller aircraft na nagsasagawa ng routine maritime patrol sa Bajo de Masinloc noong Huwebes.

Facebook Comments