Wednesday, February 4, 2026

PBBM, mas nais tutukan ang ekonomiya sa gitna ng imbestigasyon sa flood control

Mas nais na tutukan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kalagayan ng ekonomiya ng bansa sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, malinaw na naipasa na sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang responsibilidad sa imbestigasyon at pananagutan sa isyu ng flood control.

Ang Inter-Agency Committee on Infrastructure (ICI) aniya ang nangunguna sa pagsisiyasat, habang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bahalang umaksyon laban sa mga indibidwal na sangkot.

Kasabay nito, patuloy rin ang hiwalay na imbestigasyon ng Office of the Ombudsman, katuwang ang Department of Justice (DOJ).

Nilinaw naman ng Palasyo na nais pa rin ng pangulo na papanagutin ang mga may sala, habang siya naman ay nakatuon sa pag-angat ng ekonomiya at pagpapabuti ng kabuhayan ng mga Pilipino.

Dagdag pa ni Castro, bukas ang pangulo na talakayin ito sa media, lalo’t layunin nitong matiyak na mararamdaman ng taumbayan ang tunay na benepisyo ng mga hakbang pang-ekonomiya ng pamahalaan.

Facebook Comments