PBBM, may hamon kay PNP Chief Torre

Hinamod agad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si bagong Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas Torre III matapos ang Change of Command Ceremony ngayong araw.

Ayon sa pangulo, napapanahon ang pag-upo ni Torre bilang PNP chief dahil sa masalimuot na hamon sa seguridad ng bansa, kabilang ang transnational crimes, cyber threats, karahasang dulot ng mga extremist, at ang isyu ng katiwalian sa loob mismo ng PNP.

Dahil dito, inatasan ng pangulo si Torre na aktibong makipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa mahigpit na pagkubkob sa iligal na droga.

Dapat habulin aniya ng PNP hindi lamang ang malalaking drug syndicates kundi pati ang maliliit na tulak sa mga komunidad.

Iniutos din ng pangulo kay Torre na panatilihing malinis at marangal ang hanay ng kapulisan, at bilisan ang imbestigasyon at pagkamit ng hustisya sa mga kasong kasasangkutan ng mga pulis.

Paalala ng pangulo sa mga pulis, huwag gamitin ang kapangyarihan para sa pansariling interes at sa halip ay maging tagapagtaguyod ng katarungan, kapayapaan, at kaunlaran.

Facebook Comments