
Bago tumulak patungong India, humarap sa isang podcast interview si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para talakayin ang iba’t ibang isyu matapos ang kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA).
Isa na rito ang umano’y korapsyon sa mga flood control projects ng gobyerno.
Ayon sa Pangulo, hawak na niya ang mga pangalan ng mga taong responsable sa mga palpak na flood-control projects na naging dahilan ng malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng bansa.
Hindi aniya siya magdadalawang-isip na panagutin ang sinumang mapapatunayang nagkulang sa tungkulin, gaano man kataas ang posisyon.
Babala pa ng Pangulo, ipapa-blacklist o hindi na makakakontrata sa gobyerno ang mga kumpanya at contractor, na mapatutunayang sangkot sa korapsyon at kakasuhan ang mga kumpanya at opisyal na mabibigong magpaliwanag kung saan napunta ang pondong ginastos sa mga proyekto.
Sang-ayon ang pangulo na dapat dumistansya ang Department of Publoc Works and Highways (DPWH) sa gagawing imbestigasyon, at sumunod lang sa utos na isumite ng listahan ng mga proyekto, na nakatakdang isapubliko ng Palasyo.
Samantala, ngayong araw naman dito sa New Delhi, India magaganap ang bilateral meeting ni Pangulong Marcos kay Prime Minister Narendra Modi at President Droupadi Murmu.
Magkakaroon din ng courtesy call ang Pangulo sa ilang ministers at ang pangulo ng ruling political party sa India na BJP.
Sa kabuuan nasa 21 ang naka-schedule na aktibidad ni Pangulong Marcos sa kaniyang limang araw na state visit sa India.









