PBBM, may tiwala pa rin sa senatorial bets ng administrasyon sa kabila ng pag-endorso ni VP Sara sa ilang kandidato

Dumistansya ang Malacañang na magbigay ng pahayag kaugnay sa pag-endorso ni Vice President Sara Duterte kay Sen. Imee Marcos, gayundin sa mga kumakalat na larawan ni Cong. Camille Villar kasama ang Bise Presidente.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, buo pa rin naman ang tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang mga kandidato, pero ipauubaya na nila ang pagsasalita sa campaign manager ng alyansa na si Rep. Toby Tiangco.

Matatandaang kumalas sa partido si Sen. Imee noong Marso dahil hindi na umano niya kayang tumindig sa mga platapormang ipinaglalaban sa kampanya ng alyansa — bagay na nirespeto naman ng Malacañang.

Habang nitong weekend ay nag-post ng larawan ng mga Villar at ni VP Sara si Atty. Harry Roque sa social media na may caption na “politics is addition after all!”

Sinabi naman ni Cong. Toby Tiangco na nananatiling buo ang alyansa sa kabila ng ilang mga kandidato na nakatanggap ng endorso mula sa ibang indibidwal.

Ang mga endorsement aniya na ito ay patunay ng pagtanggap sa Bagong Pilipinas na isinusulong ni Pangulong Marcos.

Facebook Comments