
Nagpahayag ng pagkabahala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa patuloy na pagpapakawala ng ballistic missiles ng North Korea, na nagdudulot ng banta sa kapayapaan at seguridad ng buong rehiyon.
Sa 28th ASEAN–Japan Summit, binigyang-diin ng pangulo na ang mga hakbang ng Democratic People’s Republic of Korea (DPRK) ay nagpapalala sa tensyon sa Korean Peninsula at nakaka-apekto sa katatagan ng Asya.
Hinimok niya ang North Korea na itigil ang mga aktibidad na lumalabag sa mga United Nations Security Council Resolutions at bumalik sa mapayapang dayalogo.
Kasabay nito, nanawagan si Marcos sa mga bansang kasapi ng ASEAN at mga kaalyado tulad ng Japan na magkaisa sa pagsusulong ng kapayapaan, diplomasya, at respeto sa internasyonal na batas upang maiwasan ang posibleng sigalot.
Sa pulong niya kay Japanese Prime Minister Takaichi Sanae, tinalakay rin ng pangulo ang mga isyung makatao, kabilang ang pagdukot sa mga mamamayang Hapon, at tiniyak ang suporta ng Pilipinas sa paghahanap ng makatarungan at pangmatagalang solusyon.









