PBBM, nag-ala Santa Claus sa mga benepisyaryo ng DSWD programs

Personal na nagsilbi ng pagkain si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Walang Gutom Kitchen ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Pasay City.

Suot ang pulang apron at Santa hat, mismong ang Pangulo ang naghatid ng pagkain sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom at Pag-Abot programs ng ahensya.

Isinabay ang aktibidad sa paggunita ng unang anibersaryo ng Walang Gutom Kitchen, na nagsisilbing food bank at soup kitchen para sa mga Pilipinong kulang sa pagkain.

Ipinagdiwang din ang ikalawang taon ng pagpapatupad ng Pag-Abot program, kasabay ng pormal na pagbubukas ng Pag-Abot Processing Center bilang bahagi ng Pamaskong Handog.

Ang pasilidad ay may 180-bed capacity at nagsisilbing pansamantalang tirahan ng mga batang lansangan at pamilyang kinukuha sa kalsada.

Mayroon itong mga pasilidad tulad ng dining hall, wellness area, child-minding center, counselling rooms, breastfeeding area, medical area, at isolation wards.

Matapos ang pamamahagi ng pagkain, nag-ala-Santa Claus si Pangulong Marcos at namigay ng mga regalo sa mga benepisyaryo.

Facebook Comments