Humingi nang paumanhin si Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) sa mga pasahero, lalo na sa mga nanggaling pa sa ibang bansa na lubhang naapektuhan ng nangyaring technical glitch sa Air Traffic Management Center (ATMC) ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) noong Bagong Taon.
Sa press briefing sa NAIA Terminal 3, sinabi ng pangulo na nakakalungkot ang pangyayaring ito dahil naging kalbaryo ang sitwasyon nang nasa 64, 000 na mga pasahero.
Kaya agad aniyang nagbigay ng ayuda ang gobyerno kung saan binigyan ng pagkain at matutulugan ang mga stranded passenger at ang mahalaga nabigyan ng rebooked plane tickets ang mga ito para agad makabyahe patungo sa kanilang destinasyon.
Pero giit ng pangulo walang sinuman ang may gusto na mangyari ito kaya naman tiniyak ng pangulo na hindi na ito mauulit pa.
Nagkausap na raw sila ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista para masigurong hindi na magkaka-aberya.
At kung may mangyari raw ulit na aberya ay hindi na aabutin ng 6 na oras bago muling bumalik sa normal ang sitwasyon.