
Nagpahiwatig si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pa tapos ang cabinet shake-up o rigodon sa gabinete ng administrasyon.
Sa kaniyang talumpati sa Bagong Bayani Awards para sa mga natatanging Overseas Filipino Worker (OFWs) sa Malacañang, ibinahagi ng pangulo ang mga biyahe ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa Europe para tumulong sa mga OFW katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Kasunod nito ang biro ng pangulo na ang bagong “posisyon” ng Unang Ginang ang pagiging ambassador for migrant workers, sabay sabing baka mapasama raw ito sa susunod na cabinet shake-up o balasahan sa gabinete.
Matatandaang uminit muli ang cabinet revamp araw matapos ang isyu na ₱100-bilyong insertion sa 2025 national budget na sinundan ng biglaang pagbibitiw nina Executive Secretary Lucas Bersamin at Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Gaynpaman, nilinaw ni Bersamin na hindi siya nagsumite ng resignation letter kundi sinabihan lamang na umalis sa pwesto, taliwas sa naunang anunsyo ng Palasyo.










