Kinumpirma ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez na patuloy ang paghahanda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para sa pagdalo niya sa United Nations General Assembly sa Estados Unidos sa Setyembre.
Ayon kay Romualdez, ilang bilateral na pagpupulong ang naka-line up para kay Marcos Jr., pero hindi sinabi kung kasama ang isang side meeting kay US President Joe Biden.
Aniya, una nang sinabi ng pangulo na gusto niya na magkaroon ng hiwalay na inaugural bilateral summit kay Biden sa Washington D.C.
Dagdag pa ni Romualdez, handa na ang talumpati ng pangulo na ibibigay niya sa harap ng UN General Assembly.
Ayon pa kay Romualdez, nakahanda si Marcos Jr., na tugunan ang mga katanungan sa mga isyu sa karapatang pantao sa Pilipinas, partikular ang marahas na drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan marami ang nasawi.
Samantala, sinabi pa ni Romualdez na habang nasa US ang pangulo ay nakatakda ring ito na makipagpulong sa iba’t ibang American business groups at investors na gustong palawakin ang operasyon sa Pilipinas.