Mariing tinututulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na paghiwalay ng Mindanao sa Pilipinas.
Ito ang unang pagkakataon na naglabas ng pahayag ang pangulo simula nang lumutang ang isyu ng secession sa Mindanao.
Sa kaniyang talumpati sa selebrasyon ng Constitution Day sa Shangri La, Makati City, sinabi ni Pangulong Marcos na ang naturang panawagan ay isang paglabag aniya sa Saligang Batas.
Aniya, ang panawagan para sa isang hiwalay na Mindanao ay tiyak na mabibigo.
Tinatawag pa ng pangulo na isang kalokohan ang nasabing hakbang, at iginiit na hindi niya ito papayagan na mangyari.
Gayunpaman, sinabi ng pangulo na bukas siya sa mga panawagan para sa pag-amyenda sa Konstitusyon ngunit sa mga probisyong pang-ekonomiya lamang, “wala nang iba pa”.