Kinilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang halaga ng media sa pagbuo ng isang matatag na bansa.
Sa isinagawang courtesy call ng mga opisyal ng Radio Mindanao Network, Inc. sa pangunguna ni RMN Chairman and President Eric Canoy, personal na nagpasalamat ang Pangulong Marcos sa pamunuan ng RMN Networks dahil sa pledge of support nito sa Marcos administration para sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko.
Binigyang–diin ng pangulo na ang mga plano at ambisyon nito sa bansa ay makakamtan lamang kapag nagkaisa ang mga Pilipino at ito ay magagawa sa tulong ng media sa paghahatid ng mensahe ng gobyerno sa taong bayan.
Kasabay nito, kinilala ni Marcos ang Canoy family at mga opisyal ng RMN Networks sa maganda nitong layunin at delikasyon para maihatid ang mga tamang impormasyon ng gobyerno sa mga Pilipino partikular na ang mga nasa komunidad sa pamamagitan ng community radio.
Ang RMN Networks ay isa sa pinakamalaki at nangungunang radio networks sa bansa.
Itinatag ang unang radio station nito na DXCC sa Cagayan de Oro City noong 1952 at nagdiriwang ngayon taon ng ika-70 anibersaryo.