Isang stakeholders meeting ang ipinatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gagawin sa Lunes, Enero 30.
Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, kasama sa inaasahang mga dadalo sa pagpupulong ang mga importer, trader, retailer at mga magsasaka na batay na rin sa kagustuhan ng pangulo.
Kabilang sa mga pangunahing pag-uusapan sa meeting ang presyo ng sibuyas sa merkado na batay naman sa monitoring ng Department of Agriculture (DA) ay naglalaro lamang sa ₱120 hanggang ₱200 ang presyo ng imported na sibuyas.
Maliban sa presyo, inaasahang mapag-uusapan din ang ilan pang mga usapin na may kinalaman pa rin sa sibuyas.
Una rito ay ilang mambabatas ang naniniwalang ang cartel ang pangunahing nasa likod sa mataas na presyo ng mga sibuyas sa bansa habang may mga mafia rin umano na nagkokontrol sa mga pantalan gaya sa Subic kung saan mayroon aniyang 50 containers na naglalaman ng mga sibuyas na dine-deliver paunti-unti.