PBBM, nagsagawa ng inspeksyon sa lugar na pagtatayuan ng proyektong pabahay sa Marikina City

Bumisita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Barangay Nangka sa Marikina City kung saan ipatatayo ang isang housing project ng gobyerno.

Ang proyektong ito ay bahagi ng unang pangako ng pangulo na makapagbigay ng anim na milyong pabahay para sa mga Pilipino.

Sa ginanap na site inspection ay binigyan ng briefing ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro at ni Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar ang pangulo at ipinakita ang plano o blueprint para sa itatayong pabahay o ang tatawaging bagong sibol housing project.


May mga larawan ding ipinakita sa pangulo ng magiging itsura ng pabahay kapag natapos at maging ng hinuhukay na Marikina River para ito mapalalim at maiwasan ang mabilis na pag-apaw kapag umulan o may bagyo.

Sa sandaling makumpleto ito, 10,000 pamilya ang makikinabang sa proyektong pabahay.

Target ng DHSUD na makapagpatayo ng isang milyong pabahay kada taon sa loob ng anim na taon hanggang bago matapos ang termino ni Pangulong Marcos.

Matapos ang project briefing, may ilang minuto ring lumapit at nakipagkamay sa mga residente si Pangulong Marcos bago ito umalis sa lugar.

Facebook Comments