Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang emergency situation briefing sa PSC Command Operations Center ngayong umaga, kaugnay sa pinsalang iniwan ng Super Typhoon Uwan.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), iniulat ng Office of Civil Defense (OCD), na ang Pangasinan ang pinakamalubhang tinamaan ng pagbaha, kung saan mahigit 426,000 pamilya ang nailikas bago pa man tumama ang bagyo.
Matapos marinig ang report, inatasan ni Marcos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) na siguraduhing tuloy-tuloy ang ayuda at serbisyong medikal sa mga evacuation center.
Pinag-utos din ng pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agad na pagsisimula ng rehabilitasyon sa mga nasirang kalsada at tulay.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang mahigpit na koordinasyon at mabilis na pagkilos ng lahat ng ahensya habang nagpapatuloy ang recovery operations, kasabay ng pagbangon ng bansa mula rin sa pinsalang iniwan ng Bagyong Tino.









