Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang rekomendasyon na magpataw ng price ceiling sa bigas sa buong bansa.
Ito ay para masiguro ang rasonableng presyo at accessible na pagkain sa mga Pilipino sa harap ng nakaaalarmang pagtaas sa retail prices nito sa mga palengke.
Sa Executive Order No. 39 na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin at may petsang August 31 na inilabas ngayong araw, nakasaad na inaprubahan ng Pangulo ang joint recommendation ng Department of Agriculture (DA) at ng Department of Trade of Industry (DTI) para magtakda ng price ceilings sa bigas.
Batay sa kautusan, ipapako ang presyo para sa regular milled rice sa ₱41.00 kada kilo habang ang mandated price cap para sa well-milled rice ay ₱45.00 kada kilo.
Ang implementasyon nito ay mananatili at nakadepende sa pangulo kung babawiin batay sa rekomendasyon ng Price Coordinating Council, DA at DTI.