Itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) sina Abdulraof Macacua bilang Officer-in-Charge (OIC) ng Maguindanao del Norte at Bai Mariam Mangudadatu bilang OIC ng Maguindanao del Sur.
Si Macacua ay nanumpa na sa tungkulin kaninang umaga.
Itinalaga ng pangulo si Macacua na OIC ng Maguindanao del Norte habang inoorganisa pa ang bagong tatag na lalawigan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Bilang OIC, inaatasan ng pangulo si Macacua na panatilihin ang peace at stability sa rehiyon.
Bukod kina Macacua at Mangudadatu, itinalaga rin ng pangulo sina Bai Fatima Ainee Limbona Sinsuat bilang OIC ng Office of the Vice-Governor ng Maguindanao del Norte at Datu Nathaniel Sangacala Midtimbang bilang OIC ng Office of the Vice Governor ng Manguindanao del Sur.
Matatandaang nanawagan ang local chief executives sa Maguindanao del Norte kay Pangulong Marcos na magtalaga ng mga opisyal para matuldukan ang krisis sa kalituhan sa mga empleyado at mga residente.
Buwan ng Mayo nang nakaraang taon nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act Number 11550 na naghahati sa Maguindanao sa dalawang lalawigan.
Parehong magkakaroon ng corporate powers at general powers ang dalawang lalawigan at magkakaron ng common seal.
Batay sa 2015 census, nasa 1,173,933 ang populasyon ng Maguindanao.