Monday, February 9, 2026

PBBM, nagtatag ng komite para sa paglahok ng Pilipinas sa green expo 2027 sa Japan

Bumuo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang inter-agency committee para ihanda ang paglahok ng Pilipinas sa Green Expo 2027 na gaganapin sa Japan mula Marso hanggang Setyembre 2027.

Sa ilalim ng Administrative Order No. 41, itinalaga ang Department of Agriculture (DA) bilang chairperson at ang Department of Tourism (DOT) bilang vice chairperson ng Philippine Organizing Committee (POC).

Kasama rin sa komite ang mga pinuno ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology (DOST), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), at Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM).

Layunin ng expo na itampok ang biodiversity, sustainable agriculture, makabagong teknolohiya, high-value crops, agri-fishery products, eco-tourism, at kulturang pamana ng mga kalahok na bansa.

Ayon sa Pangulo, tugma ang paglahok ng Pilipinas sa Green Expo 2027 sa Philippine Development Plan 2023–2028, lalo na sa layuning palakasin ang agrikultura, agham at teknolohiya, at sustainable development.

Inatasan naman ni Pangulong Marcos ang lahat ng ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at pribadong sektor na makipagtulungan upang matiyak ang matagumpay na paglahok ng bansa sa nasabing international event.

Facebook Comments