PBBM, nakakuha ng isang standing ovation at 124 na palakpak sa kaniyang ikaapat na SONA

Screenshot from RTVMalacañang

Umabot ng isang oras at sampung minuto ang naging talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA).

Mas maiksi ito kumpara sa naging SONA ng Pangulo noong nakaraang taon.

Gumamit si Pangulong Marcos Jr. ng halo ng wikang Filipino at Ingles, ngunit mas malaki ang bahagi ng talumpati ay nasa Filipino.

Pinaka-pinalakpakan at umani ng standing ovation sa plenaryo ang banat ng Pangulo sa umano’y palpak at maanomalyang flood control projecs na nauwi sa matinding pagbaha.

Malakas ang naging pagtindig dito ng Pangulo lalo na’t binalaan niya ang mga sangkot sa korapsyon na “mahiya sa mga Pilipino”.

Ilan rin sa bahagi ng SONA na may pinakamatinding palakpakan ay ang pagbanggit ng Pangulo sa target na magpatayo ng mga specialty hospitals sa labas ng Metro Manila

Kabilang din sa mga isyu na mainit na tinanggap ng mga mambabatas ay ang pagpapababa ng presyo ng bigas sa ₱20 kada kilo, mga plano para tugunan ang mental health crisis sa kabataan, at ang babala laban sa mga nagpapagalaw ng presyo ng palay.

Nagkaroon din ng standing ovation ang Pangulo matapos ang kanyang huling pahayag bandang 5:17 ng hapon at dito, narinig ang sigawan ng “BBM!” sa session hall.

Gayunpaman, hindi nabanggit ng Pangulo ang ilang mga isyu na mainit sa mata ng publiko, gaya ng sigalot sa West Philippine Sea, online gambling, at ang isyu ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Facebook Comments