Nakapag-secure si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ng panibagong commitment mula sa isang international company para makatulong sa pagpapalakas ng supply ng asukal at produksyon ng ethanol sa bansa.
Ito’y matapos makipagpulong ang Pangulo sa mga opisyal mula sa Department of Agriculture (DA), Sugar Regulatory Administration (SRA), DATAGRO, at mga miyembro ng Private Sector Advisory Council (PSAC), sa Malacañang.
Sa pulong, sinabi ng Punong Ehekutibo na tiwala siyang posible sa Pilipinas ang isang long-term program upang mapataas ang produksyon at kita sa sugar industry.
Ang DATAGRO ay isang Brazilian firm na nakatulong sa pag-develop ng sugar industry sa Brazil, na itinuturing na world’s largest producer and exporter ng asukal at ethanol.
Sa meeting, ipinanukala ng kumpanya na simulan ang pilot testing sa Negros at Panay Islands gamit ang DATAGRO Tech Transfer and Assisted Managament Project.
Ipinanukala rin ng Brazilian firm na ibahin ang sugarcane milling operations sa pamamagitan ng pag-convert asukal sa molasses patungong ethanol.
Ayon sa DATAGRO, ang pag-convert ng asukal sa ethanol ay makatutulong upang mabawasan ang sugar pollution, pati ang gastos sa refined oil imports.
Inatasan ni Pangulong Marcos ang DA at PSAC na magsumite ng rekomendasyon sa mga paraan upang maisulong ang mga proyekto, na ang layunin ay hindi lamang matiyak ang sugar sufficiency kundi magbubukas din ng market sa energy sa pamamagitan ng produksyon ng ethanol.