Nakatanggap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng tawag mula sa isang scammer habang nasa kalagitnaan ng situation briefing sa nangyaring pagbaha sa Davao region kamakailan.
Binanggit mismo ito ng pangulo sa harap nina Vice President Sara Duterte-Carpio at Social Welfare Secretary Rex Gatchalian.
Kapansin-pansin sa livestreaming ng briefing na tatlong beses tumunog ang cellphone ng pangulo bago niya ito ni-reject.
Samantala, wala pang pahayag ang Presidential Communications Office (PCO) kung talagang scammer ang tumawag sa pangulo.
Matatandaang inatasan ng pangulo ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na paigtingin ang kampanya laban sa online scam at iba pang kahintulad na panloloko sa publiko.
Inaprubahan na rin ni Pangulong Marcos ang National Cybersecurity Plan (NCSP) 2024-2028 para palakasin pa ang seguridad ng Pilipinas mula sa mga nagkalat na threat online.