PBBM, nakipagkita rin sa Filipino Community sa Honolulu, Hawaii at Los Angeles, California

Naglaan rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng oras para makita ang Filipino Community sa Honolulu, Hawaii at Los Angeles, California.

Ito ay matapos na dumalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa San Francisco, California.

Nitong weekend, huling pinuntahan ng pangulo ang Honolulu, Hawaii.


Sa kanyang mensahe sa harap ng Filipino Community sa Hawaii Convention Center, sinabi nitong pinilit niyang makabiyahe sa Honolulu bago bumalik dito sa Pilipinas upang personal na batiin ang mga kaibigan at kakilala sa Honolulu.

Inalala ng pangulo sa kanyang mensahe ang buhay nang kanilang pamilya noong taong 1986 nang dumating sa Hickam Air Base sa Honolulu galing Malacañang na walang kahit anong dala.

Tinulungan raw sila ng mga Pilipino sa Hawaii, binigyan ng damit, appliances at iba pang pangangailangan.

Samantala habang nasa Hawaii, binisita ng pangulo ang US Defense Facility, nag-observe sa capability orientation patungkol sa West Philippine Sea (WPS).

Nakiisa rin ang pangulo sa barge tour at pinangunahan ang wreath laying ceremony.

Nagkaroon rin ng roundtable meeting at the Daniel Inouye Asia Pacific Center for Security Studies.

Pero bago sa Honolulu, nakipagkita rin ang pangulo sa Filipino Community sa Los Angeles, California.

Sa kanyang mensahe sa mga ito, nagpasalamat ang Pangulo sa personal remittances ng mga OFW na malaki ang naitutulong sa ekonomiya ng bansa.

Ang delegasyon ng pangulo ay inaasahang darating mamayang gabi dito sa Pilipinas.

Facebook Comments