
Naging abala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa unang araw ng ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa sidelines ng summit, nakipagpulong ang Pangulo sa mga lider ng Laos, Thailand, at Vietnam para palawakin pa ang bilateral cooperation ng Pilipinas sa tatlong bansa.
Ayon sa Palasyo, tinalakay ng Pangulo at ni Laos Prime Minister Sonexay Siphandone ang ika-70 anibersaryo ng bilateral relations ng Pilipinas at Laos, gayundin ang posibleng kasunduan sa kooperasyong pang depensa, economic trade, at edukasyon.
Pinagtibay naman nina Pangulong Marcos at Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh ang bilateral relations ng Pilipinas at Vietnam at nagkasundong palawakin pa ang kooperasyon sa ekonomiya, kalakalan, food security, at people-to-people exchange sa edukasyon, turismo, at cultural engagement.
Samantala, sa kauna-unahang pagkakataon ay nagpulong din ang Pangulo at si Thailand Prime Minister Paetongtarn Shinawatra.
Kabilang sa mga pangunahing tinalakay ng dalawang lider ay ang kooperasyon ng Pilipinas at Thailand sa kalakalan, ekonomiya, agrikultura, gayundin ang pagsugpo sa transnational crimes.









