PBBM, namahagi ng pamaskong handog sa mga ospital

Namahagi ng pamaskong handog si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM) sa iba’t ibang ospital bilang pagkilala sa sakripisyo ng mga health worker at upang magbigay ng saya at ginhawa sa mga pasyente ngayong Kapaskuhan.

Kabilang sa mga nakatanggap ang Philippine General Hospital, kung saan umabot sa 14,000 packed meals ang ipinamahagi para sa medical at non-medical personnel, pati na rin sa mga pasyente at kanilang mga bantay.

Nakatanggap din ng pamaskong handog ang Dr. Jose Fabella Memorial Hospital na may halos 5,000 packed meals, 14,400 meals sa San Lazaro Hospital, at 5,300 meals sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center.

Kamakailan, personal ding namahagi ng mainit na pagkain ang Pangulo sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Kitchen at Oplan Pag-Abot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Pasay City.

Ayon sa Pangulo, ang diwa ng Pasko ay ang pagmamahal sa kapwa, pag-aalaga sa isa’t isa, at pag-una sa kapakanan ng mamamayan.

Facebook Comments