PBBM, namahagi ng tulong pangkabuhayan at regalo sa mga pamilyang nasa lansangan at mga katutubo sa Rizal Park

Umabot sa 500 pamilyang mga nasa lansangan at mga katutubo ang binigyan ngayon ng pangkabuhayan at pamaskong handog ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama ang mga taga DSWD sa amphitheater ng Rizal Park, sa Maynila.

Bawat pamilya ay nakatanggap ng tig-10,000 piso bilang panimula sa kanilang kabuhayan para kumita at upang may panggastos sa pamilya para hindi naman umasa lamang sa panlilimos sa lansangan.

Mayroon namang mga regalong ibinigay ang pangulo at ang DSWD sa mga batang benepisyaryo, kung saan tinanggap ng mga ito ay mga laruan, damit at mga libro.


Sa mensahe ng pangulo, sinabi nitong kahit maraming hamon na dinaranas ang bansa at naghihirap ang maraming Pilipino, may pandemya pa at unti-unting bumabawi kahit papaano aniya ay bigyan din ng pagkakataong makapagdiwang ng Pasko sa pamamagitan ng ganitong mga aktibidad na pinangungunahan ng DSWD.

Ayon sa pangulo, maganda na kahit papaano ay maipadama sa ating mga kababayang nasa lansangan at mga katutubo ang diwa ng Pasko.

Kasabay nito ang pasasalamat ng pangulo sa DSWD na sa mga nakalipas na buwan aniya ay talaga namang naging abala dahil sa dami ng kalamidad na dumaan sa bansa tulad ng bagyo, lindol, baha na aniya ay walang pinipiling panahon.

Kaya naman, sinabi ng pangulo na hindi lamang ngayong kapaskuhan magsasagawa ng ganitong mga aktibidad ang gobyerno kundi kahit matapos na ang Pasko at Bagong Taon.

Sinamantala rin ng pangulo ang pagkakataon na imbitahan ang mga benepisyaryo at kanilang pamilya na mamasyal sa Malacañang para makapagsimbang gabi o makita roon ang malaking Christmas tree at mga parol.

Ayon sa pangulo, hindi naman niya bahay ang Malacañang kundi bahay ng mga Pilipino kaya binuksan na aniya niya ito sa publiko.

Facebook Comments