
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng agarang aksiyon upang matigil ang digmaan sa Middle East at iba pang lugar na patuloy na tinatamaan ng armadong labanan.
Ayon sa pangulo, dapat mapigil ang paglala ng tensyon at maibalik ang negosasyon para sa kapayapaan habang patuloy na nabubuhay sa takot at paghihirap ang mga sibilyan sa mga apektadong lugar.
Kailangan aniyang maprotektahan ang mga inosente at agad matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan sa gitna ng krisis.
Ipinunto rin ng pangulo na matagal nang nakikiisa ang Pilipinas sa mga misyon ng United Nations para sa kapayapaan, kabilang ang pagpapadala ng libu-libong Pilipinong sundalo sa iba’t ibang peacekeeping mission sa Africa, Middle East, Caribbean at Asia-Pacific.
Handa aniya ang Pilipinas na makibahagi sa mga hakbang upang matigil ang digmaan, wakasan ang mga sigalot sa mga lugar na may kaguluhan.
Humingi rin ng suporta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga miyembrong bansa ng United Nations para sa kandidatura ng Pilipinas sa non-permanent seat ng UN Security Council para sa 2027 hanggang 2028.










