Umapela si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga mamamahayag na ipagpatuloy ang kampanya kontra fake news at panatilihin ang pinakamataas na ethical standards sa pagbabalita.
Ginawa ng pangulo ang panawagan sa oath taking ng Kapisanan ng Broadcaster ng Pilipinas (KBP), National Press Club of the Philippines (NPC) at iba pang media organization sa Malacañang.
Kasama sa mga nanumpa ang Board of Directors member ng Radio Mindanao Network na si Mr. Butch Canoy bilang Executive Vice President ng KBP Board of Trustees.
Gayundin ang Executive Vice President at Chief Operating Officer ng RMN at Vice President at stockholder ng Interactive Broadcast Media na si Mr. Enrico Canoy bilang Deputy Chairman ng KBP Standards Authority.
Ayon sa pangulo, nakakaapekto sa buhay at mga desisyon ng publiko ang mga balita at imporamasyon na nakararating sa kanila, kaya importanteng alam ng publiko kung ano ang totoong balita.
Tiniyak din ni Pangulong Marcos, na isusulong ng pamahalaan ang isang ligtas na kapaligiran para sa media nang magawa nila ang kanilang tungkulin at mapanatili ang kalayaan sa pamamahayag.