
Humihiling ng suporta si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga Local Government Units (LGU) councilors para maisabatas ang mga legislative priorities ng Marcos administration.
Ginawa ng pangulo ang kahilingang ito sa mga LGU councilors sa kanyang talumpati sa ginanap na Philippine Councilors League National Convention 2023 sa World Trade Center sa Pasay City kagabi.
Sa talumpati ng pangulo, sinabi nito sa mga councilors na obligasyon nilang magbigay buhay at kahulugan sa constitutional mandate ng local autonomy at decentralization powers.
Kinakailangan din ayon sa presidente na magkaroon nang makabuluhang discussion ang mga LGU councilors patungkol sa mga local legislative concerns.
llan sa mga priority legislative agenda ng Marcos administration patungkol sa pagpapaangat ng LGU ay ang e-Governance Act, na mag-i-institutionalize ng digitalization sa bureaucracy upang matiyak ang mas mabilis na government transaction, maging ang pag-amyenda sa Build-Operate-Transfer (BOT) Law.
Paliwanag ng pangulo, kapag na amyendahan ang BOT Law mas magkakaroon ng karapatan ang mga LGU na makiisa sa mas maraming proyekto at hindi na malilimitahan ang partisipasyon para sa public private partnership.
Bukod sa mga ito nanawagan rin si Pangulong Marcos sa mga councilors na tulungang maipasa ang National Land Use Act para sa mas epektibong paraan nang pamamahala ng land at water resources sa bansa, at maging ang panawagang maipasa ang Tax Package 3 o ang Valuation Reform Bill para matiyak ang pag-unlad at mas mapabilis ang real property valuation system.









