Nangako umano si Pangulong Bongbong Marcos kay Senate President Juan Miguel Zubiri na aapela sa Kamara at sa mga initiators na itigil na pagsusulong ng bersyon nila ng People’s Initiative.
Ayon kay Zubiri, nangyari ito kaninang umaga matapos ang pag-uusap nila ni Pangulong Bongbong Marcos sa “Bahay Pangulo” kasama sina Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile at Executive Secretary Lucas Bersamin.
Nauna rito ay nakatanggap aniya siya ng text kahapon mula sa secretary ng presidente kung saan pinapapunta siya ng alas-10:00 ng umaga sa “Bahay Pangulo” para kausapin.
Sinabi ng Senate President na may permiso siya na ihayag sa publiko ang mga napag-usapan kanina kabilang na rito ang planong pag-apela ni Pangulong Marcos sa Kamara de Representantes at sa mga nasa likod ng pagsusulong ng People’s Initiative na itigil na ito.
Dagdag pa ni Zubiri na ang pangulo bilang dating senador ay naghayag na kailangang protektahan ang bicameral nature ng Kongreso na nagtataguyod sa sistema ng “checks and balances” sa loob ng legislative branch at nagpapalakas ng ‘check and balance’ sa pagitan ng mga sangay ng gobyerno.