Ibinuhos ng pamahalaan ang ₱549 bilyong pondo para palakasin ang serbisyong pangkalusugan sa buong bansa.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gagamitin ang pondo para tugunan ang kakulangan sa mga ospital, pasilidad, makabagong kagamitan, at health workers, lalo na sa mga lugar na limitado ang access sa serbisyong medikal.
Sa kabuuang pondo, mahigit ₱427 bilyon ang inilaan para sa Department of Health (DOH) at PhilHealth; higit ₱13 bilyon para sa mga specialty hospital; halos ₱9 bilyon para sa mga ospital ng Department of National Defense (DND) at Philippine National Police (PNP); at ₱98 bilyon para sa mga programang pangkalusugan ng mga lokal na pamahalaan.
Mayroon ding halos ₱1 bilyon para sa medical scholarships at tuition subsidies ng mga estudyante sa State Universities and Colleges, at ₱1.4 bilyon para sa medical assistance at zero balance billing sa Philippine General Hospital (PGH).
Binigyang-diin ng pangulo na layon ng mga pondong ito na pabilisin ang access sa serbisyong medikal at pagandahin ang kalidad ng pangangalagang pangkalusugan para sa mga Pilipino.
Nagbigay rin ang pangulo ng ₱15 milyong tulong sa Baseco Hospital para sa pag-upgrade ng pasilidad at serbisyo.
Bumisita rin siya sa Ospital ng Maynila Medical Center, na nagtala ng pinakamataas na bilang ng pasyenteng nakinabang sa PhilHealth Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) noong Setyembre.










