Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ginawa ng pamahalaan ang lahat para maisalba ang Pilipinong binitay sa Saudi Arabia.
Nabatid na sinentensyahan ng parusang kamatayan ang isang Pinoy na nakapatay ng Saudi national na sinasabing nag-ugat sa personal na alitan.
Sa ambush interview sa Villamor Airbase, Pasay City, sinabi ng pangulo na bagama’t napakalimitado ng mga opsyon ay sinubukan pa rin ng gobyerno ang lahat ng paraan upang mailigtas sa bitay ang Pinoy o kaya’y mapababa ang parusa.
Nasa lima hanggang anim na taon nang inaayos ng gobyerno ang kaso pero sadya aniyang mahigpit ang batas sa Saudi.
Kaugnay nito, nagpaabot naman ng pakikiramay at dasal ang pangulo sa pamilya ng death convict.
Tiniyak din nitong bibigyan ng legal assistance ang iba pang mga kababayan natin sa ibayong dagat na nangangailangan ng tulong.