Naging tampok sa Department of Science and Technology (DOST) 2022 National Science and Technology Week celebration ang iba’t ibang techno exhibits sa World Trade Center ngayong araw sa pagsisimula ng isang linggong pagdiriwang na magtatagal hanggang November 27, 2022.
Ipinakita ni DOST Sec. Renato Solidum kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang ilan sa mga exhibit, patikular ang e-tricycle at e-jeepney maging ang teknolohiya ng fast charging para sa mga teknolohiyang ito.
Bumilib ang pangulo sa mga nakitang local technologies at nakipagpalitan pa ito ng ideya kay Solidum at iba pang opisyal ng ahensiya habang iniikot ang exhibit hall.
Bukod sa makabagong mga teknolohiya para sa sektor ng transportasyon, tampok din sa exhibit ang mga teknolohiya para sa energy, logistics, research and development projects and services na may kaugnayan sa agrikultura, food security, kalusugan, kapaligiran, tubig, blue economy at higit sa lahat ay ang paglikha ng mga trabaho.
Ayon naman kay Solidum, sinisikap nilang i-fine tune o plantsahin ang mga nasimulan nang mga proyekto ng DOST at mailinya ito sa socioeconomic agenda ng pangulo.
Binigyang diin ni Solidum na target nilang mailabas sa merkado bilang commercial services at mga produkto ang mga research and development projects hindi lamang ng ahensiya kundi hinikayat din maging ang mga unibersidad sa bansa na ganito rin ang gawin para sa kanilang mga thesis and research.