Naniniwala ang Malacañang na natupad ang sinabi noon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may mga mapapanagot bago ang Pasko kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, may mga hindi naging “merry” ang Pasko dahil mayroon nang mga naisyuhan ng warrant of arrest at may mga nakulong na kaugnay ng flood control anomalies, tulad nalang ni Sarah Discaya.
Pahayag ito ng Palasyo kasunod ng mga batikos na hindi natupad ang sinabi ng Pangulo dahil wala namang nakulong na “big fish.”
Pero ayon kay Castro, hindi maaaring isantabi ang due process sa pagpapanagot sa mga sangkot, kabilang ang mga pulitikong nadadawit sa isyu dahil mas mahalaga ang matibay na kaso para hindi maging marupok ang hustisya.
Wala rin aniyang tinukoy na partikular na pangalan ang Pangulo nang banggitin nito ang pahayag tungkol sa mga mananagot bago mag-Pasko, at hindi ito dapat bigyang-kahulugan bilang pangako na agad ikukulong ang sinumang mataas ang posisyon.
Aminado ang Palasyo na ramdam nila ang pananabik ng publiko na makita kung sino ang tuluyang papanagutin sa flood control scandal, ngunit iginiit na ang hustisya ay hindi minamadali at kailangang dumaan sa tamang proseso ng batas.










